|
Isinukat na ni Karylle ang gown na kanyang isusuot sa pagkanta ng Pambansang Awit ng Pilipinas sa ika-7 ng Disyembre, 2008 sa Estados Unidos sa laban sa boksing nina Manny Pacquiao at Oscar de la Hoya.
Personal na dumating si Karylle sa dress shop ng sikat na fashion designer na si Albert Figueras kaninang hapon upang ilapat sa kanyang katawan ang damit.
Ang gown, ayon kay Albert ay gawa sa dupioni silk. Tradisyunal na terno ang tabas nito subalit nilagyan ni Figueras ng ibang burloloy na ayon sa kanya ay “twist.”
“May tapis ang gown pero it took two weeks para matapos ang paglalagay ng beads. Kaya na-highlight at na-accentuate ang tapis,” pahayag ni Figueras.
Red wine ang kabuuang kulay ng gown. “Noong una, nang i-approach ako ng management ni Pacquiao, gusto nila na beige ang kulay na gawin ko. I told them na kung ilalagay si Karylle sa gitna ng mga tao, walang dating. Dapat, mag-stand out siya. One more thing is, she’s a very simple girl kaya kailangan, may dating. Naniwala naman sila sa akin,” kuwento ni Albert, isang popular na tagadisenyo ng damit mula pa kay Amalia Fuentes, Alma Moreno, Carmen Soriano, Pilita Corrales, Carmen Pateña, Eugene Domingo, Marian Rivera at marami pang iba.
Humigit-kumulang sa tatlong linggo ang itinagal ng pagtahi ni Figueras sa gown ni Karylle.
Nang tanungin namin kung magkano ang halaga ng gown, matalinhaga ang tugon ni Figueras.
“It’s priceless,” wika ng fashion expert.
“Nang una kaming mag-meet ni Karylle, it was love at first sight. I love her being my model and I guess she also loves me as her designer. Kaya madali kaming nagkagaanan ng loob,” pahayag ni Figueras.
“Madali kaming naging mag-vibes ni Karylle kaya maganda rin ang resulta ng trabaho ko. Naniniwala ako na dapat ay symbiotic ang relationship ng model sa designer,” dagdag ni Albert. - Boy Villasanta, abs-cbnNEWS.com
Trackback(0)
|